Kamis, 25 Agustus 2011
Trafficking ng Unborn Babies Nabisto
Nabisto ang pinakabagong uri ng child trafficking kung saan nire-recruit ang mga buntis na Pinay upang legal na mailabas ng bansa bilang turista pero ipinagbibili ang sanggol sa mga naghihintay na adoptive parents kapag naisilang na.
Bunsod nito, pinaiimbestigahan na ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa kinauukulang komite sa Senado ang illegal trafficking ng mga unborn babies.
Ayon kay Santiago, mahirap mahuli ang nasabing uri ng trafficking ng mga unborn babies dahil puwede namang legal na nakakalabas ng bansa ang mga buntis na ina.
“It was reported that the modus operandi is for the pregnant mother to go to a particular country with the intent of having the child adopted… It is a prearranged plan of giving birth there, then the newborn baby is eventually adopted abroad,” pahayag pa ng senadora.
Samantala, umaabot naman umano sa 400 hanggang 500 batang Filipino na karamihan ay ulila at abandoned ang ipinapaampon sa ibang bansa sa pamamagitan ng Inter-Country Adoption Board.
Dumadaan umano sa legal na proseso ang pag-aampon kung saan mahigpit na sumasailalim sa screening ang mga adoptive parents at napupunta ang mga bata sa United States, Canada, France at iba pang parte ng Europe.
Taliwas naman ito sa nangyayaring trafficking ng mga unborn babies kaya dapat itong silipin ng Senado upang makalikha ng kinakailangang batas, wika pa ni Santiago.
(source: Pilipino Star)
Langganan:
Posting Komentar (Atom)
Tidak ada komentar:
Posting Komentar